Namatay noon din ang biktimang si Jun Mark Barrios, 24, stay-in carpenter ng DM Wenceslao and Associates Inc., isang construction firm na nasa Road 10 Vitas, Tondo sanhi ng malalim na saksak na tinamo sa kanyang dibdib.
Sumuko naman kay Kagawad Romeo Yomol ng Brgy. 101 Zone B ang suspect na nakilalang si Nestor Conchina, 53, tubong Dalahican, Lucena City at stay-in din sa nasabing construction firm.
Lumilitaw sa imbestigasyon ni Det. Rodelio Lingcong ng WPD, na naganap ang insidente dakong alas-10 ng gabi sa loob ng barracks ng mga manggagawa sa DM Wenceslao.
Nabatid na bagong suweldo ang mga trabahador, kung kaya naisipan nilang mag-inuman kasama ang biktima at suspect.
Matapos mag-inuman ay nagkanya-kanya nang pasok sa kanilang tulugan ang mga trabahador upang matulog, subalit dahil sa nakainom ay gusto pang mag-sound trip ng biktima kaya binuksan niya muna ang transistor at nakinig ng music.
Naingayan naman ang suspect kung kaya pinagsabihan nito ang biktima na hinaan ang volume ng transistor, subalit hindi naman siya pinansin ng huli.
Dahil dito, nagkaroon ng mainitang pagtatalo hanggang sa mabilis na kumuha ng panaksak ang suspect at saka inunday sa biktima na naging sanhi ng kamatayan nito. (Ulat ni Grace dela Cruz)