Truck vs van: 3 patay

Tatlo katao ang namatay matapos na salpukin ng isang rumaragasang ten-wheeler truck ang isang Mitsubishi L-300 van kahapon ng madaling-araw sa Road 10, Estero de Apog, Tondo, Manila.

Namatay noon din ang driver ng van na si Reynaldo Ponce, 37, samantalang sina Arnel Roxas, 36 at Ma. Nenita Gabrino, 37 ay namatay habang ginagamot sa Tondo General Hospital.

Nakakulong naman ngayon sa WPD Traffic Bureau ang driver ng truck na si Arsenio Villano Jr., 49.

Nabatid sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya na naganap ang trahedya dakong alas-3 ng madaling-araw kung saan ang killer truck ay patungong South at kasalubong nito ang L-300 van na sinasakyan ng mga biktima.

Sa lakas ng pagkabangga ay halos nadurog ang van.

Sinabi ng suspect na nakatulog siya sa kanyang pagmamaneho kung kaya’t hindi niya namalayan ang kasalubong na sasakyan ng mga nasawi. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments