Ayon sa biktimang si Malou Aguilar, 48 ng Prince Tower Condominium, Tordesillas St. Salcedo Village, Makati, natangay ng mga suspect ang kanyang $750, P7,000 at mga alahas.
Batay sa imbestigasyon ni PO2 Lauro Ilagan ng General Assignment Section ng Makati City Police, naganap ang insidente dakong alas 12:30 ng tanghali sa panulukan ng dela Costa at Leviste Sts. sa Salcedo Village.
Kasalukuyan naglalakad ang biktima kasama ang isa pang kaibigan nang biglang lumapit ang mga suspect na humihingi ng tulong sa hinahanap na address.
Dala na rin ng awa at maayos na pakikipag-usap, naenganyo at nahipnotismo umano ng mga suspect ang mga biktima hanggang sa mapapayag na magnegosyo.
Ibinigay na rin umano ng mga biktima ang kanilang alahas at pera sa mga suspect kapalit ng isang bag na umanoy naglalaman ng malaking halaga.
Subalit ilang minuto lamang ang nakaraan nang matauhan ang mga biktima at nadiskubre nilang pawang mga diyaryo ang laman ng bag. (Ulat ni Lordeth Bonilla)