2 miyembro ng "Resto gang" nakapatay ng pulis, timbog

Bumagsak na sa kamay ng pulisya ang dalawang miyembro ng ‘Resto Gang’ na nakabarilan ng napatay na bagitong pulis ng Makati City matapos manloob sa isang convenience store sa lungsod noong Marso 12.

Kinilala ng pulisya ang mga nadakip na sina Emento Lauge, 32 at Reynante Vega, 25.

Ang mga suspect ay nasakote matapos matunton ang hideout ng mga ito sa Barangay Napurog Tudela, Misamis Oriental, kamakalawa pasado alas-3 ng hapon.

Isinagawa ang pagdakip sa mga suspect sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng korte laban sa mga ito.

Bukod sa pagkakasangkot ng mga ito sa pagpaslang kay PO1 Aristotle Tacata, miyembro ng Makati City police dawit pa ang mga nadakip sa tatlo pang hiwalay na kaso ng robbery.

Magugunitang napatay si PO1 Tacata matapos itong manlaban sa grupo ng mga suspect nang holdapin ng mga ito ang LPC Mini Mart sa Barangay Pitogo, Makati kamakailan. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments