Nakapiit na ang suspect na nakilalang si Jose Castañeda, 38, isang pedicab driver, ng Barangay Pildera 2, Pasay City.
Samantala, patay na nang idating sa San Juan de Dios Hospital ang biktima na nakilalang si Elmer Sambahon, 32, station attendant sa PAL makaraang magtamo ng dalawang saksak sa dibdib.
Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-3:30 kamakalawa ng hapon sa loob ng compound ng Baclaran Church .
Nabatid na ang asawa ng suspect na nakilalang si Jovie ay nagtatrabaho bilang janitress sa opisina ng biktima.
Lumalabas sa imbestigasyon na may lihim umanong relasyon si Jovie at ang nasawi na natuklasan ng suspect.
Nahuli umano sa akto ng suspect na magkaakbay pa ang misis nito at ang biktima kung kaya nagkaroon ng mainitang komprontasyon at sa galit ng suspect ay hinabol niya ng saksak ang biktima hanggang sa magpang-abot sila sa loob ng compound ng Baclaran Church.
Dalawang ulit sinaksak ng suspect ang biktima na naging dahilan ng kamatayan nito, habang agad namang naaresto ng sikyu sa simbahan ang naturang suspect. (Ulat ni Lordeth Bonilla)