Parak, 2 pa huli sa aktong 'kinakarne' ang karnap na taxi

Tatlo katao kabilang ang isang pulis ang naaresto kahapon ng mga kagawad ng Parañaque City police sa aktong ‘kinakarne’ ang isang taxi na kinarnap nila kamakalawa.

Nakilala ang mga nadakip na sina PO2 Charlie Cantos, 40, na nakatalaga sa Camp Malvar, Concepcion Grande, Naga City; Alberto Esteban, 38, mekaniko at Nelson Nuevo, 39, kapwa ng Parañaque City.

Base sa ulat ng pulisya, nadakip ang mga suspect dakong alas-5:30 kahapon ng umaga sa Tramo 1, Barangay San Dionisio, ng nabanggit na lungsod.

Ilang residente ang nagsumbong sa pulisya makaraang masaksihan nila ang ginagawang pagkatay ng mga ito sa isang Sorongon Taxi.

Nang kuwestiyunin ang mga suspect ay walang maipakitang mga papeles ang mga ito na magpapatunay na sa kanila ang sasakyang kinakatay.

Nabatid na ang taxi ay pag-aari ni Paz Sorongon ng Silang, Cavite na nagsabing ang kanyang driver na si Roma Movilla ay hinoldap ng isang pulis at isang kasamahan nito noong nakaraang Marso 30.

Bukod sa tinangay ng mga suspect ang kinita nito ay tinangay din ang nasabing taxi. Sinampahan na ng kaukulang kaso ang mga nadakip na suspect. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments