Magkakahawak ng kamay at bitbit ang ibat ibang plakard ang mga residente ng Brgy. 1, 2 at 80 at ilang mga samahan ng militanteng grupo upang pigilan ang mga demolition team ng PNR; National Housing Authority (NHA); Metro Manila Development Authority (MMDA) at ng North Rail Relocation Resettlement Inter-Agency Committee upang pigilan ang paggiba ng mga tahanan sa naturang lugar.
Nabigo naman ang tatlong truck ng gobyerno na makapasok sa lugar ng isasagawang demolisyon dahil sa tibay ng depensang isinagawa ng mga residente dahilan upang magkaroon ng ilang oras na pagkakaantala at pakikipagnegosasyon sa pagitan ng NHA at Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) na pinamumunuan ni Sec. Mike Defensor at Caloocan City Councilor Nathaniel Santiago na siyang kinatawan ng mga mamamayan.
Mariin namang inihayag ni Santiago hinggil sa simpleng kahilingan ng mga residente ng naturang lugar kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na magbigay ng 10-araw na palugit upang makatiyak na mayroon silang maayos na paglilipatan.
Aniya, wala namang tutol ang mga residente sa programa ng gobyerno, sa katunayan ay napalambot na nga raw ang paninindigan ng mga ito at payag nang lisanin ang kanilang lugar at ang tanging kahilingan lamang ng mga ito ay ang mabigyan pa ng sapat na pagkakataon para masiguro ang kanilang kalagayan. (Ulat ni Rose Tamayo)