2 pang humoldap, pumatay ng trader, timbog

Nadakip na ng mga tauhan ng WPD ang dalawa pang suspects na sangkot sa panghoholdap at pagpaslang sa isang Chinese trader kamakalawa sa Sta. Cruz, Manila.

Ang mga nadakip ay nakilalang sina Juanito Medese, 25 at Edilberto Aquino, 18, kapwa ng Tandang Sora, Quezon City.

Ayon sa ulat, ang dalawa ay natunton ng pulisya sa panulukan ng Retiro St. at Ibarra sa Quezon City at naghahanda sa kanilang tuluyang pagtakas matapos ang isinagawang krimen.

Magugunitang una nang nadakip ang isa pa nilang kasamahan na si Jonnel Gentiles, 17, makaraang paslangin nila ang negosyanteng si Dennis Uy Tan, 19.

Inihayag ng mga nadakip na paghihiganti ang pangunahing motibo kaya nagawa nilang holdapin at patayin ang biktima.

Nabatid na isa sa mga salarin ay dating namasukan sa bakery ng pamilya ng biktima na sinabing inalis sa trabaho at hindi pinasuweldo.

Bukod pa umano dito, ang ginawang pagmamaltrato sa kanilang mga empleyado. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments