Bitay hatol sa 2 kidnappers ng trader

Hinatulan kahapon ng parusang kamatayan ng Quezon City Regional Trial Court ang dalawang lalaki na napatunayang guilty sa kasong pagkidnap sa isang negosyante apat na taon na ang nakakalipas.

Bukod dito, inatasan din ni QCRTC Judge Monina Zenarosa ng RTC Branch 76 ang mga akusadong sina Vicente Lugnasin ng Dasmariñas, Cavite at Devincio Guerrero, na bayaran ng tig-P50, 000 ang biktimang si Nicassius Cordero, 37, binata, ng 53 Mindanao Avenue, Quezon City.

Batay sa rekord ng korte, naganap ang pagdukot sa biktimang si Cordero noong Abril 20, 1999 nang puwersahang ipagsama ng mga suspect ang biktima lulan sa Mitsubishi Lancer na sasakyan nito.

Pagdating sa South Superhighway ay inabandona ang sasakyan ng biktima at inilipat ito sa isang owner type jeep.

Unang tinawagan ng mga suspect ang hipag ng biktima at agad na nag-demand ng P10 milyong ransom.

Umabot ng apat na araw bago tuluyang napalaya ang biktima matapos na makapagbigay lamang ang kaanak nito ng P65,000 ransom.

Matapos mapalaya ang bihag, agad namang naaresto sina Lugnasin at Guerrero.(Ulat nina Angie dela Cruz at Romel Bagares)

Show comments