Mister pinakulong ni misis,naglaslas ng pulso

Tinangkang magpakamatay ng isang mister sa pamamagitan ng paglaslas ng pulso upang mapatawad ito ng kanyang misis na nagpakulong sa kanya kahapon ng umaga sa Caloocan City.

Kasalukuyang ginagamot sa Ospital ng Caloocan sanhi ng sugat na tinamo sa kaliwang pulso si Ernesto Espinosa, 32, construction worker ng 152 Palon St., ng naturang lungsod.

Sa isinagawang imbestigasyon, dakong alas-11 ng umaga nang makita ng mga pulis si Espinosa na dumudugo ang kaliwang kamay.

Nang siyasatin nabatid na tinangka nito na magpakamatay at hiniwa ang pulso gamit ang isang perdible.

Mabilis itong isinugod sa pagamutan.

Una rito, si Ernesto ay ipinakulong ng kanyang asawang si Cecilia, 33, dahil umano sa pagwawala sa kanilang lugar sanhi ng hindi makayanang dinadalang problema sa buhay.

Sa himpilan ng pulisya, tinangka nito na humingi ng tawad sa misis, ngunit hindi ito pinagbigyan ng huli hanggang sa makita na nga nitong dumudugo ang pulso ng mister. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments