Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Anselmo Avenido ang mga nadakip na sina Miguel Cuerva; kapatid nitong si Ma. Isabel, 59, ng Quezon City; Richard Orioste, 28, ng San Juan; Salmix Alejandro, 23; Almir Moamad, 24; at Asnor Moamad, 18, pawang residente ng Al-Salam Compound, Culiat, Quezon City.
Ayon sa ulat, nagsagawa ng drug operation ang mga operatiba ng PDEA sa bahay nina Cuerva na armado ng search warrant. Nabatid na nakatanggap ng mga ulat ang PDEA sa matagal nang operasyon ng magkapatid na Cuerva sa pagbebenta ng droga kung saan ilan sa mga kliyente ng mga ito ay mga showbiz celebrities.
Nakuha sa paghahalughog sa naturang bahay ang ibat ibang pakete ng shabu na tumitimbang ng may 30 gramo.
Nasakote naman sa isang interception ang dalawang Moamad at si Alejandro dakong alas-9:25 ng gabi sa may Congressional Avenue, Quezon City matapos na makatanggap ng ulat ng pagtataglay ng mga ito ng droga.
Hinarang ng mga operatiba ang sinasakyan ng tatlo na pulang Mitsubishi Lancer (UJW-558). Sa paghahalughog, nakuha sa mga ito ang may 400 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P800,000.
Kasalukuyang nakadetine ngayon sa PDEA detention cell sa Camp Crame ang anim na nadakip na suspect at nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Ulat ni Danilo Garcia)