Ayon kay Bureau of Correction (Bucor) director Ricardo Macala, naibalik na sa kanyang selda sa maximum compound sa New Bilibid Prison (NBP) si Jalosjos matapos itong isugod noong Pebrero 28, 2003 dahil sa paninikip ng kanyang dibdib.
Lumabas umano sa pagsusuri ng mga doktor na nagkaroon ng heart ailment ang dating mambabatas at acute stroke matapos na pumalo sa 160/110 ang blood pressure nito.
Nilinaw ni Macala na sa kasalukuyan ay nasa maganda nang kondisyon at bumalik na sa normal ang blood pressure ng dating kongresista. Mayroon na rin umanong doktor sa loob ng NBP na nagmo-monitor sa kalusugan ng lahat ng bilanggo rito.
Samantala, ipinagtanggol naman ni Macala ang ginawang pagdadala kay Jalosjos sa pagamutan dahil sa binibigyan umano ng permiso ang isang bilanggo na ma-ospital kung nasa kritikal na kondisyon ito.
Magugunita na hinatulan ni Makati City Regional Trial Court (RTC) Judge Roberto Diokno ng dalawang habambuhay na pagkabilanggo si Jalosjos dahil sa kasong statutory rape at anim na bilang na acts of lasciviousness sa isang 11-anyos na dalagita. (Ulat ni Gemma Amargo)