2 binoga, patay

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang hepe ng Bantay Bayan at isa pa nitong tauhan habang nagsasagawa ng pagpapatrulya, kahapon ng umaga sa Parola Compound sa Tondo Manila.

Nakilala ang mga biktima na sina Antonio Macacado, 40 at Rolando Narca, 43, ng nabanggit na lugar. Si Macacado ay namatay noon din, samantalang nasawi naman habang ginagamot sa pinagdalhang pagamutan si Narca.

Nabatid na naganap ang insidente dakong alas-10 ng umaga sa may Gate 5 ng Area H Parola Compound sa Tondo.

Base sa isinagawang imbestigasyon bigla na lamang umanong lumapit sa mga biktima ang mga suspect at bigla na lamang naglabas ng armas at pinagbabaril ang mga ito.

Malaki ang hinala ng pulisya na pinaghigantihan ng mga suspect ang mga nasawi makaraang hulihin ng mga ito ang kasamahang magnanakaw ng una noong nakalipas na linggo.

Dalawa sa mga magnanakaw ang nakatakas at ito ang pinaniniwalaang siyang naghiganti at pumaslang sa mga biktima. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments