Inihayag kahapon ni Dangerous Drug Board (DDB) chairman at DILG Secretary Joey Lina ang kanyang panlulumo sa desisyon ni Judge Emilio Leachon Jr. ng RTC Branch 224 sa pagpapalaya kay Juanito Chan.
Binigyan ni Leachon si Chan ng pagkakataong makalaya nang payagan nitong makapagpiyansa ng P100,000. Nabatid na nakalabas na sa Quezon City Jail si Chan noong nakaraang Marso 7.
Sa rekord ng korte, nadakip ng mga elemento ng binuwag na Presidential Anti-Organized Crime Task Force si Chan noong nakalipas na Abril 23, 1999 sa isang buy-bust operation sa Timog, Quezon City kung saan nakumpiska sa kanya ang may 935.18 gramo ng shabu.
Ikinatuwiran naman ni Judge Leachon na isang frame-up lamang ang buy-bust dahil sa pagkabigo ng mga operatiba na lagyan ng fluorescent powder ang buy-bust money dahil ditoy nabigong makakuha ng fingerprint ni Chan sa kahon na lalagyan ng shabu at paghawak ng mga operatiba sa kahon na walang gloves. Ito ang ikalawang pagkakataon na pinalaya ni Leachon ang mga dayuhang sangkot sa kaso ng droga.
Magugunitang naging kontrobersiyal ang naturang huwes nang palayain ang pitong Chinese nationals na nadakip sa isinagawang raid sa shabu laboratory sa Quezon City dahil sa teknikalidad. (Ulat ni Danilo Garcia)