Kinilala ni NCRPO chief Deputy Director General Reynaldo Velasco ang suspect na si Mariano Lomarda, alyas Ahmad Lomarda at Nonoy Lomarda.
Ang nadakip ay sinasabing lider ng grupong Balik Islam at miyembro ng Raja Solaiman Movement (RSM) na kilalang may kaugnayan rin sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Nasakote si Lomarda sa operasyon ng NCRPO at ISAFP matapos ang impormasyon na nakalap ng intelligence network nito.
Sinalakay ng mga operatiba ang pinagtataguan ng suspect sa PNR site compound sa Western Bicutan, Taguig dakong alas-12:30 ng umaga noong nakaraang Lunes. Ang raid ay isinagawa sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Affable Cajigal ng Camiling, Tarlac Regional Trial Court branch 68 sa kasong illegal possession of explosives, firearms at ammunitions.
Sinabi ni Velasco na una nang nakasagupa ng mga elemento ng Tarlac police ang grupo ni Lomardo kung saan naaresto ang ibang mga kasamahan nito habang nakatakas naman ang suspect.
Hinihinala naman na may iba pang mga kasamahan si Lomarda na nagtatago rin sa ibang lugar na siyang ngayong target ng operasyon ng mga awtoridad.
Nabatid sa isinagawang interogasyon sa suspect, dinitalye nito ang mga planong pambobomba ng kanilang grupo sa Metro Manila.
Patuloy naman ang ginagawang pagmamanman ng mga awtoridad sa posibleng pag-atake ng mga terorista, partikular na ang mga ikinalat na bomber.(Ulat ni Danilo Garcia)