Jinggoy di pa abswelto sa plunder – DOJ

Inihayag kahapon ni Justice Secretary Simeon Datumanong na hindi pa dapat magsaya si dating San Juan Mayor Jinggoy Estrada dahil hindi pa naman siya abswelto sa plunder case.

Sinabi ni Sec. Datumanong, malakas ang kaso ng prosekusyon laban kay Jinggoy sa kasong plunder at ang piyansang ipinagkaloob dito ng Sandiganbayan Special Division ay hindi nangangahulugan na abswelto siya sa kaso.

Idinagdag pa ni Datumanong, mahaba pa ang tatakbuhin ng paglilitis sa kaso nito at hindi din dapat sisihin ang prosekusyon kung nakapagpiyansa man ito dahil hindi naman nila maaaring baguhin o dayain ang mga ebidensiya sa kaso.

Magugunita na pinayagang makapaglagak ng P500,000 piyansa si Jinggoy ng Sandiganbayan matapos matuklasan nito na mismong si dating Pangulong Estrada ay hindi alam ang pagtanggap ng jueteng money ng dating San Juan mayor.

Samantala, sinabi naman ni Special Prosecutor Dennis Villaignacio na nakahanda silang maghain ng motion for reconsideration sa Sandiganbayan upang baguhin nito ang naunang desisyon kung saan pinayagang magpiyansa si Jinggoy. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments