Intsik nakaligtas sa carnap gang

Isang Fil-Chinese engineer ang himalang nakaligtas sa trahedya matapos barilin ito ng mga miyembro ng carnap gang na nagtangkang umagaw sa kanyang Pajero kahapon ng madaling-araw sa Maynila.

Ang biktima na nagtamo ng tama ng bala sa balikat at ginagamot sa Metropolitan hospital ay nakilalang si Alexander Ty, 31 at nakatira sa #1417 Mayhaligue St., Sta. Cruz.

Ayon sa imbestigasyon ni SPO4 Josefino Serapio ng WPD-Homicide section, dakong alas-2 ng madaling-araw habang minamaneho ni Ty ang kanyang Mitsubishi Pajero na may plakang WGV-295 ng bigla siyang harangin ng isang kotse na sinasakyan ng tatlong armadong kalalakihan pagdating sa paanan ng Mc Arthur bridge sa Sta. Cruz.

Isa sa mga suspect ang lumapit sa kotse ng biktima at habang nakatutok ang baril ay inutusan si Ty na buksan ang pinto ng kanyang kotse saka ito pinabababa.

Tumanggi ang biktima sa utos ng suspect kaya biglang binaril ito at tinamaan sa balikat.

Inakala naman ng suspect na napatay nito ang biktima kaya dali-daling sumakay sa kanilang get away car at tumakas.

Kahit sugatan, nakuha pa ng intsik na magmaneho at dalhin ang kanyang sarili sa pagamutan. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments