Ganap na alas-11 ng umaga nang dumating sa Sandiganbayan Special Division, sina Fernandez at Salvador kasama ang abogado ni Jinggoy na si Noel Malaya upang maglagak ng piyansang P500,000.
Matapos maglagak ng piyansa ng dalawang kaibigan personal ding sinundo ng dalawang aktor si Jinggoy sa VMMC.
Dakong ala-1:30 ng hapon ng dumating sa Sandiganbayan si Jinggoy na iniskortan ng mga miyembro ng PNP kung saan nilagdaan nito ang ilang clearance at release order at mula dito ay muling ibinalik ang batang Estrada sa VMMC upang sumailalim sa medical examination bago siya tuluyang pinakawalan.
Sa 31-pahinang resolusyon, sinabi nina Justice Minita Nazario, Edilberto Sandoval at Teresita de Castro na base sa mga ebidensiya, testimonya at dokumentong isinumite sa korte, walang direktang nagtuturo kay Jinggoy na nakipagsabwatan ito sa kanyang amang si dating Pangulong Joseph Estrada.
Subalit nilinaw ng korte na wala pang pinal na desisyon sa kasong kinakaharap ni Jinggoy at ng kanyang ama kahit na pinayagang magpiyansa ang dating alkalde.
Halos dalawang taon ding nabilanggo si Jinggoy na kasama sa mga kinasuhan ng plunder.
Naghain din si Jinggoy ng waiver of appearance upang hindi na siya dumalo sa mga susunod na pagdinig ng plunder trial.
Napag-alamang naghati sina Ipe at Daboy sa P500,000 piyansa ni Jinggoy. Sinasabing pinautang ng dalawang aktor ang kanilang kaibigan makalaya lamang. (Ulat ni Malou R. Escudero)