Patay na nang idating sa East Avenue Medical Center ang biktima na nakilalang si Allan Rada, 23, na may kasong robbery. Ito ay nagtamo ng bala ng sumpak sa mukha na tumagos sa batok.
Samantala, sugatan naman sina Roger Durian, 19; Noel Barsana, 26 at Robert Reyes, 21. Ang mga biktima ay pawang mga miyembro ng Sputnik gang.
Ayon kay QC jailwarden Supt. Gilberto Marpuri, nagsimula ang gulo nang magkapikunan sa larong basketball ang mga naglalarong grupo ng Batang City Jail (BCJ) at Sputnik gang dakong alas-9:30 ng gabi.
Bigla umanong may nagpaputok ng sumpak kung saan tinamaan si Rada hanggang sa magliparan na ang mga indian at rabbit na pana at sumpak.
Kasalukuyan pa ring isinasailalim sa ballistic test kung anong uri ng bala ang tumama kay Rada.
Dahil dito, agad na nagrambulan na ang mga preso na naggantihan kaya napilitan na ang mga pulis na magpakawala ng warning shot.
Mabilis na isinugod sa pagamutan ang mga sugatang preso subalit minalas na hindi na umabot pang buhay si Rada.
Pansamantala ding ipinagbawal kahapon ang pagtanggap ng dalaw matapos isagawa sa buong maghapon ang greyhound operation.
Nasamsam ng operatiba ang mga granada, itak, improvised 22 cal. pistol, 12-gauge shotgun, shabu paraphernalias, hasaan at mga pinatuyong dahon ng marijuana.
Samantala, plano na rin ng pamunuan ng BJMP na ilipat sa Metro Manila Rehabilitation Center (MMRC) sa Bicutan, Taguig ang lahat ng miyembro ng BCJ dahil sa umanoy ito ang palagiang nagsisimula ng gulo sa loob ng piitan. (Ulat ni Doris Franche)