Nakilala ang dalawang nadakip na sina Augusto Eric Cipriano, 37, special investigator umano ng NBI at ang kaibigan nitong negosyante na si Tato Ampatuan, 52, ng Villamor Air Base, Pasay City.
Samantala, inoobserbahan pa sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Judy Agustin ng Paco, Maynila sanhi ng tinamo nitong tama ng bala ng baril sa lalamunan.
Ayon sa ulat ng pulisya naganap ang insidente dakong alas-3 ng madaling-araw sa panulukan ng San Marcelino at Escoda St. sa Ermita, Maynila.
Binanggit sa report na lulan ang biktima sa kanyang motorsiklo kasama ang kaibigang si Salvador Flores nang mabangga ng kotse ng mga suspect na isang Honda Civic na may plakang UJH-309.
Sa halip na humingi ng paumanhin, galit na galit pang kinompronta ni Cipriano ang mga biktima at saka tinutukan ng baril. Bumaba din ng sasakyan si Ampatuan na agad na nagbunot ng kanyang baril at ipinutok sa mga biktima.
Tiyempo namang napadaan ang nagpapatrulyang pulis na si SPO4 Eugenio Enrile ng SOG kaya agad na nadakip ang mga suspect.
Nagyabang pa umano si Cipriano sa himpilan ng pulisya na nagsabing isa siyang special investigator ng NBI na nakatalaga sa tanggapan ni NBI director Reynaldo Wycoco. Gayunman ng tingnan ng pulisya ang memorandum order nito ay napag-alaman na pirmado pa ito ni dating NBI director Santiago Toledo na may petsang 1996. Nakumpiska sa dalawang suspect ang isang 9mm cal. pistol at .25 cal. Ang dalawa ay nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso. (Ulat ni Grace dela Cruz)