Rookie cop inaresto sa panunutok ng baril

Isang bagitong pulis ng Western Police District ang inaresto ng mga tauhan ng Pasig City Police matapos umanong manutok ng baril sa loob ng isang restaurant sa Pasig City.

Kasalukuyang nakapiit sa Pasig City Police si PO1 Richard Mejia, 21, residente ng Cainta, Rizal at nakatalaga sa WPD Station 5 habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong alarm and scandal sa PC Prosecutors Office.

Batay sa pagsisiyasat ng pulisya, alas-9:30 kamakalawa ng gabi ng pumasok si Mejia sa Wok Inn Restaurant sa Philippine Village Bldg. sa Shaw Blvd upang uminom ng alak.

Ilang minuto matapos makainom ng ilang bote ng alak, ipinasya ni Mejia na umalis na noo’y nakasibilyan lamang.

Subalit bago tuluyang umalis, tinutukan ni Mejia ng kanyang baril na Beretta 9MM caliber ang mga customer sa restaurant na pag-aari ng Chinese na si Reynaldo Go, 33.

Agad namang nakatawag ng pulis ang ilang nakasaksi at mabilis ding nadisarmahan si Mejia. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments