Nakasaad sa dalawang pahinang resolusyon ni Justice Undersecretary Merciditas Gutierrez, inatasan nito si Rizal Provincial Prosecutor Gregorio Arizala na ituloy ang pag-uusig kay Rama dahil sa kasong paglabag sa Batas Pambansa (BP) 22 o Bouncing Check Law. Ayon kay Gutierrez, wala umano silang makitang sapat na basehan upang baguhin ang naunang rekomendasyon ng piskalya ng Rizal upang kasuhan si Rama ng 3 counts na paglabag sa BP 22 sa Pasig City Regional Trial Court (RTC).
Magugunita na nagsimula ang nasabing kaso matapos na idemanda ng negosyanteng si Gilda Salonga ang nasabing talent manager nang mag-isyu ito ng tseke na umaabot sa halagang P87,000,00.
Kumuha umano si Rama kay Salonga ng kuwintas noong Set. 8, 2000 na nagkakahalaga ng P778,750 at bilang kabayaran dito ng una sa huli ay nag-isyu ito ng tatlong tseke sa Metro Bank San Juan Branch at ang dalawa dito ay inilabas noong Peb. 15, 2000 habang ang isa ay noong Marso 15, 2000.
Subalit sa pagtitiwalang may pondo sa banko ang tseke ay agad niya itong dinala sa nasabing banko subalit laking gulat ni Salonga nang kanyang matuklasan na wala na palang pondo ang bank account ni Rama samantalang ikinatwiran naman nito na noon pang Enero 2001 ay nagpasabi na siya sa negosyante na huwag nang ideposito sa banko ang tseke dahil plano niyang isauli ang naturang mga alahas.
Ikinatwiran naman ni Rama na mismong si Salonga ang humiling na idaan na lamang sa tseke ang kanyang kabayaran sa kinuhang alahas. Nilinaw naman ni Salonga na hindi niya kailanman kinuhang ahente sa alahas si Rama at ang kinuha nito ay para sa kanyang pagmamay-ari at wala rin umano sa kanilang kasunduan na maaaring isauli ang alahas. (Ulat ni Gemma Amargo)