Engineer binugbog ng ka-live-in at lover na tomboy

Ipinagharap ng reklamo ng isang engineer buhat sa Pasay City Hall ang kanyang live-in-partner at ang tomboy na umano’y kalaguyo nito makaraang bugbugin ang una nang maaktuhan nito na nasa maselang posisyon ang dalawa sa Sampaloc, Maynila.

Ayon sa pulisya, puro pasa at galos sa katawan at mukha ang biktima na nakilalang si Engr. Rodolfo Medroso, 58, building inspector sa Pasay City hall nang magharap ito ng reklamo sa General Assignment Section ng Western Police District.

Kasong physical injuries ang isinampa ni Medroso sa kanyang ka-live-in na si Laarni Calayaan, 33, at sa lover nitong tomboy na si Belen Ocampo, 29, ng Basilio St. Sampaloc, Manila.

Ayon kay SPO4 Mario Salonga, may hawak ng kaso, naganap ang umano’y pambubugbog sa biktima dakong ala-1:30 ng madaling-araw noong nakalipas na Pebrero 11 sa bahay na inuupahan ni Calayaan.

Ayon sa engineer, nagtungo siya sa bahay ni Calayaan upang dalawin subalit laking gulat niya nang masaksihan ang pakikipagtalik nito sa tomboy na si Ocampo.

Dahil sa sobrang galit, binato niya ng cellular ang dalawa subalit imbes na humingi ng tawad ay pinagtulungan pa siyang bugbugin at kaladkarin papalabas ng bahay.

Siya na mismo ang nagdala sa kanyang sarili sa Jose Reyes Memorial Medical Center para magpagamot. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments