Ito ang nabatid kahapon matapos na ma-raffle sa sala ni Judge Alex Quiroz ng Branch 156 ang kontrobersiyal na kaso para litisin ito.
Si Strunk na kasalukuyang nasa Estados Unidos ay idinawit ng bumaligtad na self-confessed killer na si Philip Medel Jr. na siya umanong nag-utos na paslangin ang aktres.
Ayon kay Lorie Uson, officer-in-charge sa naturang chamber na magsasagawa sila ng marathon hearing upang mapabilis ang paglilitis sa kaso.
Ito ay matapos na ipalabas ng DOJ ang resulta ng isinagawang preliminary hearing sa kaso ni Nida at umanoy may matibay na mga ebidensiya para sampahan ng kaso sina Strunk at Medel.
Magugunita na Nobyembre 7, 2001 nang matagpuan ang bangkay ni Nida sa loob ng kanyang kotse sa parking ng Atlanta Tower sa Annapolis St., Greenhills sa San Juan.
Nauna nang inihayag ng mga testigo na sina Strunk, Medel at isang di pa nakikilalang babae ang nakita umano sa bisinidad ng gusali ilang oras bago naganap ang krimen.
Si Blanca ay nagtamo ng 13 saksak sa katawan kabilang sa mukha at kilikili na siya nitong ikinasawi. (Ulat ni Joy Cantos)