Kinilala ni NBI Director Reynaldo Wycoco ang dinakip na si Municipal Trial Court Judge Henry Domingo ng San Ildefonso Bulacan.
Sa isinagawang imbestigasyon ng NBI Anti Fraud and Computer Crime Division ang pagdakip sa huwes ay base sa reklamong iniharap ng biktimang si Ildefonso Cuevas na may kasong falsification of public document na nakabinbin sa sala ni Domingo.
Nabatid na noon lamang nakalipas na Pebrero 7 nagkaroon umano ng pagdinig sa kaso ni Cuevas ngunit humarap ito sa korte ng hindi kasama ang kanyang abogado kung kayat ipinatawag ito ni Domingo sa loob ng kanyang chamber.
Tinanong pa umano ng huwes ang biktima kung ano ang maitutulong niya sa kasong kinakaharap ng huli, kung saan nagpahiwatig ito ng indikasyon na paghingi ng lagay para sa isang paborableng desisyon sa biktima.
Ang suspect din umano ang nag-alok sa biktima na magkita sila sa La Familia Restaurant upang doon pag-usapan ang nasabing kaso.
Dahil ditoy humingi ng tulong ang biktima sa NBI.
Nagdala ng halagang P10,000 marked money at P10,000 tseke ang biktima nang makipagkita ito kay Judge Domingo.
Nasa aktong tinatanggap ng huwes ang pera ng lapitan ito at dakpin ng mga tauhan ng NBI. (Ulat ni Rose Tamayo)