Misis dinedo ng live-in partner

Matinding selos at galit ang tinitingnang anggulo ng pulisya makaraang barilin sa dibdib ang isang Ginang ng kanyang lover kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Patay na nang idating sa Manila Sanitarium Hospital ang biktima na nakilalang si Maria Theresa Rivera, 37, nakatira sa #255 A. Mabini St. Caloocan City sanhi ng tama ng bala sa katawan mula sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Pinaghahanap naman ng awtoridad ang live-in partner ng biktima na si Danilo Rivera, nasa hustong gulang, ng #2353 Colayco St., Pasay City nang tumakas matapos isagawa ang krimen.

Ayon kay Inspector Joey Mansalungan, ng Pasay Police Criminal Investigation Division, dakong alas-8:50 ng gabi nang maganap ang insidente sa bahay ng kapit- bahay ng suspect na si Amelita Macatangay.

Nauna rito, bumisita ang biktima sa bahay ni Macatangay at habang nag-uusap ang mga ito kasama pa sina Alice Belamide at Susan Asuncion nang bigla na lamang pumasok sa loob ang suspect at walang sabi-sabing binaril ang biktima.

Mabilis na isinugod ang Ginang sa nasabing pagamutan ngunit hindi na umabot pang buhay.

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang motibo ng suspect sa pagbaril at pagpatay sa kanyang live-in partner. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments