Dahil dito, binigyang diin ni PNP chief Director General Hermogenes Ebdane sa mga pulis na obligasyon nila ang dumalo sa mga court hearing kasabay nang babala na mananagot ang mga pulis na napatunayang nakikipag-ayos sa mga suspect.
Ito ay matapos na makarating sa kanya ang ulat na napakaraming kaso ang nailalaglag sa korte dahil sa kapabayaan ng mga officer on case.
Bilang halimbawa, inaprubahan ni Ebdane ang pagde-demote kay dating PO3 Rafael Espadero ng Navotas Police Station sa ranggong PO2 bilang parusa sa serious neglect of duty dahil sa hindi pagdalo sa mga naka-schedule niyang court hearings.
Base sa rekord, hindi umano dumalo si Espadero sa mga hearing bilang isang prosecution witness sa kasong illegal possession of firearms noon pang 1998 sa Navotas Municipal Trial Court sanhi upang idismis ng korte ang kaso.
Upang hindi lumala ang sitwasyon, inatasan ni Ebdane si Chief Supt. Marcelo Ele Jr.,acting director for investigation and detective management na makipag-ugnayan sa national prosecution service para masiguro na lahat ng court hearings na nakatalaga sa mga pulis ay madadaluhan ng mga ito.
Bukod sa parusang demosyon, sinabi ni Ebdane na papatawan rin niya ng mas mabigat na kaparusahan tulad ng pagkasibak sa tungkulin at pagsasampa ng kasong kriminal ang mga pulis na hindi dumadalo sa mga court hearing at ang ilan marahil ay nakikipagsabwatan sa mga suspect. (Ulat ni Danilo Garcia)