Sa dalawang pahinang resolusyon ng SC 1st division sa pangunguna ni Chief Justice Hilario Davide Jr. ipinalabas nito ang temporary restraining order (TRO) upang pigilan ang anumang bidding sa mga lupain, makinarya at iba pang kagamitan sa paliparan.
Ang kautusan ay ipinalabas ng SC matapos na simulan na kahapon ng pamahalaang lungsod ng Parañaque ang pagsusubasta dito.
Kaugnay nito, inatasan na ni Parañaque City Mayor Joey Marquez ang City Treasurers Office na magsagawa ng ocular inspection sa runway ng NAIA at lagyan na ito ng tag na ito ay pag-aari ng pamahalaang lungsod ng Parañaque.
Nabatid na simula noong 1997 ay hindi nakapagbayad ang management ng Manila International Airport Authority (MIAA) ng realty tax sa pamahalaang lungsod hanggang sa umabot na ang kanilang bayarin sa mahigit sa P670 milyon.
Matatandaan na binigyan ng ilang taong palugit at amnestiya ng Paranaque City government ang management ng MIAA upang magkaroon sila ng pagkakataon na bayaran nila ang kanilang buwis.
Subalit ayon kay Marquez hindi tumutupad ang management hanggang ang palugit ay magtapos kahapon, subalit nananatiling bigo ang mga ito na makapagbayad.
Ikinatuwiran naman ni MIAA General Manager Ed Manda na dahil sa government-owned and controlled corporation (GOCC) ang MIAA ay exempted umano sa pagbabayad ng buwis. Subalit sinabi naman ni Marquez na noong pinagtibay ang Local Government Code ay tinanggal na ang GOCC sa pagbabayad ng buwis.
Nabatid pa na hindi nakapangalan sa Republic of the Philippines ang mahigit isang daang titulo ng lupa na sumasakop sa airport, kundi sa isang subdibisyon. (Ulat nina Gemma Amargo, Lordeth Bonilla at Butch Quejada)