Si SPO2 Hitlerito Oralio, 42, nakatalaga sa CPD-TEG sa Camp Karingal ay nakapiit ngayon matapos ipagharap ng reklamo ng isang sibilyan at ng hepe ng CPD Station 5 na si Senior Supt. Jolly Dizon.
Kabilang sa mga kasong iniharap dito ay ang indiscriminate firing, illegal discharge of firearms, direct assault, alarm and scandal, resisting arrest, physical injuries, disobedience upon person in authority at paglabag sa dangerous drug act.
Batay sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-4 kamakalawa ng hapon nang magpaputok ng kanyang baril si Olario sa Sitio Namapa, Barangay North Fairview sa Quezon City.
Napag-alaman na dinakip si Olario at dinala sa CPD Station 5 dahil na rin sa reklamo ni Ma. Elizabeth Valera na nagsabing binugbog siya ng suspect na noon ay pinaniniwalaang lango sa ipinagbabawal na gamot.
Habang iniimbestigahan, pumasok si Olario sa tanggapan ni Dizon. Mabilis nitong nilapitan ang station commander at walang sabi-sabing sinuntok ito.
Dugo kaagad ang labi ni Dizon.
Nakuha sa suspect na pulis ang walong basyo ng bala ng baril at isang sachet ng shabu. (Ulat ni Doris Franche)