Clarification hearing sa annulment case ni Philip Salvador

Itinakda ng Quezon City Regional Trial Court ang clarificatory hearing sa petisyon ng aktor na si Phillip Salvador ng pagpapawalang bisa ng kanyang kasal sa kanyang asawa na si Ma. Asuncion Dabao upang malaman kung interisado pa ang mga ito o hindi na.

Ayon kay QCRTC Judge Romeo Zamora ng branch 94, ang clarificatory hearing ay isasagawa sa Pebrero 21 makaraang mabigo si Dabao na sagutin ang petisyon para sa annulment ng kasal nila ni Salvador.

Sinabi ni Zamora na ilang extension na rin ang ibinigay ng korte upang sagutin ang petisyon subalit wala man lamang sa magkabilang panig ang gumagawa ng hakbang hinggil sa kaso.

Hindi naman umano niya maidismis ang kaso dahil ito ay kasong sibil at hindi kriminal kung kaya’t kailangan ang tugon ng magkabilang panig.

Gayunman, sinabi ni Zamora na wala pa siyang natatanggap na report na plano na umano ni Salvador na magkipagbalikan sa kanyang asawa at ipabasura na lamang ang petisyon na kanyang isinampa.

Matatandaan na nagharap ng annulment case si Salvador laban kay Dabao matapos na aminin nito ang kanyang relasyon sa aktres na si Kris Aquino. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments