Pulis, 2 sibilyan tiklo sa hulidap

Isang tauhan ng Philippine National Police (PNP) at dalawa pang lalaki ang inaresto ng pulisya, matapos na maaktuhang nanghuhulidap kahapon ng madaling araw sa Ermita, Maynila.

Kinilala ni Supt. Rodolfo Llorca, hepe ng WPD-DIID ang mga suspect na sina PO1 Edwin Roma, 26, nakatalaga sa 5th Company ng Regional Special Action Force (RSAF); Danilo Cunanan at Francisco Rena, kapwa residente ng Wagas St. Tondo, Maynila.

Batay sa salaysay ng biktima na si Edhemer Usman, 24, ng Blk.34. Lot 4, Maharlika Village, Taguig, naganap ang insidente dakong ala 1 ng madaling araw sa kahabaan ng Taft Avenue, Ermita, Maynila.

Naglalakad siya nang bigla siyang tapatan ng isang kulay berdeng Mitsubishi Lancer na may plakang POK-459 lulan ang tatlong lalaki.

Dalawa sa mga ito ang bumaba at agad siyang tinutukan ng baril kasabay ng pagkuha sa kanyang mga pera at alahas.

Subalit nang makakita ng pagkakataon, nagawa nitong manlaban na nakakuha naman ng pansin ng mga nagpapatrolyang pulis na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspect. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments