Misis nadamay sa 'gang war' patay

Nasawi ang isang negosyanteng ginang matapos itong tamaan ng ligaw na bala habang nagaganap ang isang gang war ng mga kabataan, kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Si Roseller Loreto, 33, ng #48 de Guzman St., Brgy. Marulas ng nabanggit na lungsod ay namatay habang ginagamot sa Fatima Medical Center bunga ng tinamo nitong tama ng bala ng di pa mabatid na kalibre ng baril sa dibdib.

Kaagad namang naaresto ng mga nagpapatrulyang mobile patrol ang tatlo sa mga suspect na sina Jeff Sacro, 19; Ron Angelo Apillado, 18; at Jy Soriano, 22, pawang mga estudyante at residente ng Magsaysay St., Brgy. Marulas, ng nasabing lungsod.

Lumalabas sa ulat ng pulisya na dakong alas-9 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng de Guzman St., nang bigla na lamang sumiklab ang rambulan ng dalawang magkalabang grupo kung saan kabilang ang mga suspect.

Bigla na lamang umanong hinabol ng mga suspect na sina Arden Sy, 16; at Carlo Arboleda, 18, hanggang sa makarinig na lamang ng isang putok ng baril.

Kasunod nito ay bigla na lamang duguang humandusay ang biktima.

Isinasailalim naman sa imbestigasyon ng pulisya ang mga suspect upang mabatid kung sino ang may-ari ng baril na nakapatay sa biktima. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments