Ito ang naging prediksyon ng isa sa sikat na psychic na si Danilo Atienza na inihayag nito sa mediamen sa lingguhang forum sa Citio Fernandina sa Greenhills, San Juan kahapon.
Ayon kay Atienza, isa sa dalawang senador ay mamamatay umano sa malubha nitong karamdaman, habang ang isa naman ay nakikita niyang dahil sa sobrang kasikatan at pagiging masyadong kontrobersiyal ay magiging malagim ang kamatayan. Maaari umano itong masawi o ma-ambush.
Gayunman, tumanggi si Atienza na tukuyin ang pangalan at maging ang partido pulitikal na kinabibilangan ng dalawang senador.
Sinabi ni Atienza na 99.99% umano na hindi pa nagmintis ang kanyang mga hula dahil siya rin umano ang nagbigay ng prediksiyon hinggil sa kinasapitang kamatayan nina Cagayan Congressman Rodolfo Aguinaldo at Quezon Rep. Marcial Punzalan na kapwa itinumba ng mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) noong 2001, gayundin ang pagkamatay sa sakit ni Misamis Occidental Rep. Hilarion Ramiro.
Maging ang nangyaring pagpapatalsik umano sa kapangyarihan kay dating Pangulong Joseph "Erap" Estrada noong Enero 20, 2001 sa makasaysayang EDSA 2 nang palitan ito sa posisyon ng nooy kanyang bise presidente at ngayoy Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ay siya rin umano ang humula.
Sinabi pa ng psychic na wala umano siyang tanging maipapayo sa mga senador kundi ang mag-ingat lalo na sa kanilang kalusugan. (Ulat ni Joy Cantos)