Kinilala ni Supt. Marcelino Franco Jr., hepe ng NPDO ang mga naaresto na sina Huang Shang Ti, Jang Miing Zhi at Zheng Huo Yan.
Ang tatlo ang siyang itinuturong umanoy responsable sa paggawa ng pirated VCD sa Kamaynilaan.
Dakong alas-2 ng hapon nang magsagawa ng pagsalakay ang pinagsanib na puwersa ng NPD-VRB sa pangunguna ni Bong Revilla sa Dizon compound, Maysan Road, Valenzuela City base na rin sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng Valenzuela Regional Trial Court (RTC).
Nabatid na magsasagawa lamang ng routine inspection ang grupo ni C/Insp. Efren Yadao, hepe ng Valenzuela Bureau of Fire Protection (BFP) nang aksidenteng madiskubre ang nasabing pabrika.
Ayon kay Yadao, tumanggi umanong magpapasok at magpainspeksiyon ang tatlong Chinese national na naaresto kung kayat nagkaroon ng hinala ang mga awtoridad, dahilan upang magsagawa ng surveillance ang mga kagawad ng BFP upang matiyak na mayroong itinatagong illegal ang nasabing pabrika.
Kaagad ding nakipag-ugnayan ang grupo ni Yadao sa mga awtoridad at VRB hanggang sa makakuha sila ng search warrant at mabilis na isinagawa ang operasyon.
Matapos ang pagsalakay ay nadiskubre ang tinatayang P150-M halaga ng mga pirated VCD at isang makina na ginagamit sa paggawa nito at naaresto ang mga suspect.
Napag-alaman na ito ang ikalawang pagkakataon na nagsagawa ng pagsalakay ang grupo ni Revilla sa Valenzuela City noong nakaraang taon kung saan pitong Chinese national ang naaresto at may P300 milyong halaga ng mga gamit sa paggawa ng mga pirated VCD ang nakumpiska sa isang pabrika sa Brgy. Ugong, Valenzuela City. (Ulat ni Gemma Amargo)