Suspect sa rape, itinumba

Tadtad ng tama ng bala ng baril nang matagpuan ang suspect sa panghahalay sa isang 6-anyos na paslit, kahapon ng umaga sa Caloocan City.

Nakilala ang nasawi na si Roberto Pagsuguiran, 26, ng Katuray St., Amparo Subdivision ng nasabing lungsod.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya dakong alas-6 ng umaga nang matagpuan ang duguang bangkay ng biktima sa isang talahiban sa bakanteng lote sa Dau St. ng nabanggit na lugar.

Napag-alaman na si Pagsuguiran ay itinuturong humalay sa biktimang paslit na itinago sa pangalang April noong nakalipas na Enero 27, ng taong kasalukuyan dakong alas-7 ng gabi.

Kahapon ng umaga ay natagpuan na nga ang bangkay nito na tadtad ng tama ng bala ng baril.

May hinala ang pulisya na maaaring pinaghigantihan si Pagsuguiran ng ama ng batang biktima ng rape na umano’y humanting na sa una matapos mabatid na hinalay nito ang kanyang anak.

Gayunman, patuloy pa rin ang isinasagawang masusing imbestigasyon ng pulisya ukol sa kaso. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments