Kaagad namang itinurn-over sa Mandaluyong City Police ang dalawang inarestong suspect na itinago sa pangalang Jomari, 13, at Samuel, 12.
Ang dalawa na kapwa nasa Grade VI sa Highway Hills Elementary School na matatagpuan sa Calbayog St. ay positibong itinuro ng janitor ng eskuwelahan at ng ilang mga estudyante na nakasaksi mismo sa ginawang karahasan ng mga ito.
Base sa imbestigasyon, dakong alas-7:30 ng umaga matapos ang flag ceremony ng mga guro at estudyante sa eskuwelahan nang bigla na lamang magkagulo dahil sa isang malakas na pagsabog.
Nabatid na inihagis umano ng dalawang estudyante ang isang pillbox sa playground ng eskuwelahan na bagaman walang tinamaang mga bata ay nawasak ang jalousy ng bintana ng isang silid-aralan dito dahil sa nilikhang malakas na pagsabog.
Nag-iyakan din umano ang mga estudyante habang nataranta naman ang mga guro sa pag-aakalang may sumabog na bomba sa eskuwelahan.
Maging ang mga magulang na naninirahan malapit sa bisinidad ng paaralan ay humahangos na napatakbo sa eskuwelahan upang sunduin ang kanilang mga anak. (Ulat ni Joy Cantos)