Kaso vs Diana Zubiri inatras na ni Mayor Abalos

Iniurong na ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos ang kasong ‘grave scandal’ na isinampa nito laban sa bold star na si Diana Zubiri matapos magpa-pictorial ng naka-bra at t-back panty sa EDSA Shaw flyover sa lungsod noong nakaraang taon.

Ayon kay Lourdes Galino, Public Information chief ni Abalos na nagpasya ang alkalde na iatras na ang kasong inihain sa Mandaluyong City Prosecutor’s Office laban kay Zubiri matapos na humingi ng tawad sa kanyang boss.

Bagama’t noong una ay matigas si Abalos na ituloy ang kaso laban kay Zubiri, sa manager nitong si Jojo Gabinete at Enrique Ramos, editor-in-chief ng FHM Magazine kung saan nag-pose ang sexy star, napahinuhod din ito makaraan ang taos-pusong paghingi ng tawad ng mga nabanggit.

Magugunita na ang kaso ay nag-ugat makaraang mag-pose ng halos hubad si Zubiri sa EDSA-Shaw flyover noong nakalipas na Oktubre 29 na naging dahilan upang pagpiyestahan ito ng mga dumadaang motorista na nagsanhi naman sa pagkakabuhul-buhol ng daloy ng trapiko sa nasabing lugar.

Labis na nagalit si Abalos dahil sa nilabag ng grupo ni Zubiri ang kontrata na doon nakasaad na tube blouse at short ang isusuot ng aktres. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments