Si Kintanar na kasalukuyang consultant ng Bureau of Immigration (BI) ay positibong kinilala ng kanyang maybahay na si Joy matapos na walang makuhang anumang identification dito matapos mapaslang.
Sugatan din sa insidente sina Ricky Beltran at Ed Ruiz na kasalukuyang ginagamot sa pinagdalhang ospital.
Ayon sa ulat ni Chief Inspector Rodolfo Jaraza, hepe ng District Intelligence and Investigation Unit tinambangan si Kintanar dakong ala-1:30 ng hapon habang kumakain sa Kamameshi Restaurant sa loob ng QC Circle kasama ang kanyang mga kaibigan.
Sinabi ni Mac Bella, 42, headwaiter sa nabanggit na restaurant na ang mga gunmen ay nasa edad na 40 hanggang 50-anyos, may taas na 57, ang isa ay nakasuot ng polong puti.
Inakala pa nga nila na ito ay kostumer dahil sa disenteng kasuotan.
Nabatid pa sa pulisya na tinitingnan nila ang anggulo ng ginawa nitong pagbabalik-loob sa pamahalaan o di kaya ay awayan sa dati niyang posisyon ang maaaring maging motibo sa pagpaslang.
Binanggit pa sa ulat na maaaring matagal ng sinusubaybayan ng mga salarin ang galaw ni Kintanar kung kaya alam ng mga ito na madalas kumain ang nasawi sa naturang restaurant at doon isinagawa ang pagtumba.
Ayon pa sa ulat, si Kintanar ay nagtamo ng walong tama ng bala ng baril sa ibat ibang bahagi ng katawan at ulo.
Si Kintanar ay dating head ng NPAs general command hanggang sa madakip siya noong 1988. Nakatakas ito ng sumunod na taon subalit muling nadakip noong 1991 hanggang sa tuluyan nang magbalik-loob sa pamahalaan na dahilan naman para alisin siya sa samahan ng mga rebelde.
Bagamat pangunahing tinutungo ng imbestigasyon ay ang anggulong mga dating kasamahan nito sa rebeldeng grupo ang posibleng sangkot sa pagpaslang, hindi pa rin inaalis ng pulisya ang imbestigasyon sa iba pang anggulo ng kaso tulad ng sa Nidas slay.
Magugunitang si Kintanar ay isa sa pangunahing testigo na nagtuturo kay Philip Medel na siyang pumaslang sa premyadong aktres na si Nida. (Ulat ni Doris Franche)