Teacher tumalon sa ika-apat na palapag ng apartelle

Isang teacher ang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon mula sa ika-apat na palapag ng isang apartelle kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.

Basag ang mukha at puno ng pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang nasawi na nakilalang si Susana Dolot-Navarro, 38, graduate ng Library Science sa UST at empleyado ng St. Loise de Mavillac College at kasalukuyang naninirahan sa Barangay Balete, Bacon, Sorsogon.

Ayon sa imbestigasyon ng Central Police District-Criminal Investigation Unit, naganap ang insidente dakong alas-2:45 ng madaling-araw sa Fersal Apartelle sa panulukan ng Tuazon St. at 14th Avenue sa Cubao, Quezon City.

Sa pahayag ng security guard na si Ronaldo Perez, dumating ang biktima na balisa at may mga pasa sa mukha at ito ay nag-check in sa room 311.

Ilang sandali pa ang lumipas at nagulat na lamang siya nang marinig ang malakas na pagkalabog sa ground floor at ng kanyang tingnan ay nakita niya na nakahandusay at duguan ang ginang.

Nabatid na umakyat si Navarro sa ika-apat na palapag ng apartelle at doon winakasan ang kanyang buhay. Iniwan pa nito ang kanyang tsinelas sa ika-apat na palapag palatandaan na plinano nito ang pagpapatiwakal.

Nakuha ng mga awtoridad sa nasawi ang tiket ng bus na galing Bicol patungong Maynila.

Gayunman, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya ukol dito. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments