Canadian attorney arestado sa estafa

Dinakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration and Deportation (BID) ang isang abogadong Canadian national matapos masangkot sa mga kasong kriminal kabilang na ang estafa ng P30M sa Coca-Cola Bottlers Phils.

Kasabay nito, ipinag-utos ni Immigration Commissioner Andrea Domingo ang pagsailalim sa deportation proceedings ng suspect na si Gregory David Dickinson na nadakip sa harapan ng Rustica Restaurant sa Capas, Tarlac ng mga BI intelligence operatives sa pangunguna ni agent Carlito Bautista.

Sinabi ni Domingo na si Dickinson ay dinakip matapos madiskubreng nagtatrabaho ito ng walang kaukulang working permit kahit na walang pinanghahawakang visa para sa kanyang mga negosyo sa bansa.

Base sa travel documents, si Dickinson ay dumating sa bansa bilang turista kaya wala itong karapatan na magtayo o magsagawa ng anumang negosyo sa Pilipinas.

Dinakip ang nasabing dayuhan matapos ireklamo ng negosyanteng Filipino-Chinese na si Manuel Tan ng Coca-Cola Bottlers Phils ng kasong estafa sa korte.

Ayon kay Tan, nauna umanong nanghiram ng P16M ang nasabing dayuhan para magamit sa pagpapatayo ng Stop and Save Grocery sa Concepcion, Tarlac nguni’t hindi ito binayaran sa kabila ng ilang beses na paniningil sa suspect.

Humirit pa umano si Dickinson na dahilan sa matamis nitong pananalita ay muling nakautang ng P154,483 halaga ng soft drink cases mula pa noong Agosto hanggang Nobyembre ng 2002 na umabot na sa P30M.

Maliban sa kasong large-scale estafa nahaharap rin si Dickinson sa kasong grave coercion, grave threats at incriminatory machinations. (Ulat ni Jhay Quejada)

Show comments