Ayon sa isang mapagkakatiwalaang impormante, kararating lamang ng ama ni Tiu sa bansa galing sa China upang personal na tingnan ang kinasapitan ng kaniyang anak.
Si Tiu alyas Ryan Co., 33 ng Lot 10, Block 5, 16 Jade St. , Hiyas Subdivision, Brgy. Paso de Blas, Valenzuela City ay iniulat na nawawala noong Disyembre 18 ng nakaraang taon.
Sinabi ni Ana Garvida, 56, may-ari ng apartment ni Tiu sa mga imbestigador na huli niyang nakita ang nasabing Chinese sales agent noong Disyembre 12 ng magbayad ito ng upa sa tinutuluyan nitong apartment.
Nakita rin umano niya ang sasakyan ni Tiu na isang kulay asul na Toyota Revo na may plakang WHK 998 habang nakaparada sa tapat ng kanyang apartment.
Noong Disyembre 18, sinimulang hanapin ni Teresita Uy, Secretary ng Soon Chiong Trading si Tiu matapos na mabigo itong mag-report sa trabaho sa loob ng halos isang Linggo.
Sa isinagawang ocular investigation ng Valenzuela City Police walang indikasyon na puwersahang pinasok ang apartment ni Tiu.
Ayon naman sa mga kapitbahay ni Tiu, simula umano noong Disyembre 12 hanggang Disyembre 18 ay wala ang mga itong napapansin sa apartment ng nasabing Chinese national.
Maging ang mga guwardiya na nakatalaga sa Hiyas Subdivision ay wala ring masabi sa pagkawala ni Tiu.
Umaasa naman ang ama ni Tiu na ligtas na matatagpuan ang kaniyang anak sa lalong madaling panahon. (Ulat ni Pete Laude)