3 holdaper nasakote

Bumagsak sa mga operatiba ng Western Police District (WPD) ang tatlong pinaghihinalaang notoryus na holdaper makaraang maaktuhang hinoholdap ang isang pampasaherong jeepney sa Tondo, Maynila .

Iniharap kahapon ni WPD Director P/Chief Supt. Pedro Bulaong sa mediamen ang mga naarestong suspect na sina Relly Yu, 23, walang trabaho, Christian Patotoy; kapwa ng Pilar St., at Bernardo Martinez, 30 anyos ng Hermosa St., pawang ng Tondo.

Ayon sa pahayag ng magpinsang biktima na sina Evelyn Pasahol at Laarni Pasahol; pawang estudyante at residente ng 9th Avenue, Caloocan City, bandang alas 8:45 kamakalawa ng gabi habang lulan sila ng pampasaherong jeepney na may rutang Gasak-Recto nang sumakay ang mga suspect sa Antipolo St. ng nasabing lugar.

Kasalukuyang bumabagtas sa kahabaan ng Jose Abad Santos , Tondo ang jeepney nang isa sa mga babaeng pasahero ang nakaramdam ng panganib at maaring nakakilala sa mga suspect ang agad na bumaba sa tapat ng Ospital ng Tondo at saka sumigaw ng malakas na may lulang umanong mga holdaper ang sasakyan.

Dahil dito, nataranta ang iba pang mga pasahero kaya nagpanic ang mga ito subali’t hindi pa rin nasiraan ng loob ang mga suspect na pawang armado ng icepick na nagdeklara ng holdap at saka isa-isang nilimas ang pera , alahas at iba pang mga kagamitan ng mga pasahero.

Sa puntong ito, namataan naman nina PO2 Elmer Cruz at PO2 Elmer Fortuno ng Mobile Patrol ng WPD ang pangyayari kaya kaagad na hinabol ang mga suspect hanggang sa madakip sina Yu at Patotoy.

Nadakip naman sa isinagawang follow-up operations ang isa pang suspect na si Martinez sa pinagtataguan nito sa Hermosa St., Tondo matapos ikanta ng dalawa nitong kasamahan.

Nasamsam mula sa mga suspect ang mga icepick na may 15 pulgada ang haba na siyang ginamit ng mga ito sa panghoholdap at ang mga pera, alahas at mga gamit ng mga biktima.

Humihimas na ngayon ng rehas na bakal ang mga suspect sa detention cell ng WPD na sinampahan na ng kasong robbery holdup at illegal possession of bladed weapon. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments