Inihayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Joey Lina ang "relief order" para kay Sr. Supt. Laud Sali.
Nahuli ni Sali na natutulog sa loob ng sala ng isa sa walong bahay na ni-raid kahapon ng umaga ng mga elemento ng Southern Police District (SPD) at Videogram Regulatory Board (VRB) sa may Mindanao St., Maharlika Village, Taguig.
Agad namang itinanggi ni Sali na alam niya na may operasyon ng paggawa ng mga pirated CD at VCD sa loob ng naturang bahay dahil sa nakitulog lamang umano siya rito kung saan ang may-ari ay kanyang kamag-anak.
Ipinaliwanag nito na dumating siya sa naturang bahay kamakalawa ng gabi at nakatakda sanang umalis ng bansa patungong Saudi Arabia para sa pilgrimage.
Hindi naman kumbinsido dito ang pulisya maging si VRB Chairman Bong Revilla dahil sa imposible umanong hindi mapansin ni Sali ang nakatambak na mga replicating machine sa loob ng naturang bahay at ang pahayag ng ilang saksi na linggu-linggo umano kung dumating ang naturang opisyal sa naturang lugar.
Isang Mitsubishi L-300 van rin ang nadiskubre na ginagamit upang pandeliber ng mga CD kung saan isang malaking identification card ng PNP ang nakalagay sa harapan nito.
Nakatakdang hawakan naman ng National Police Commission (Napolcom) ang naturang kaso upang matiyak na walang whitewash na magaganap.
Inihahanda na ng DILG ang pagsasampa ng kasong administratibo at kriminal laban kay Sali. (Ulat nina Danilo Garcia at Lordeth Bonilla)