Vintage bomb natagpuan

Isang vintage bomb na may kapasidad na magpasabog ng isang malaking gusali ang natagpuan ng isang manggagawa habang naghuhukay sa isang construction site sa Pasig City, kahapon ng hapon.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, pasado alas-3 ng hapon kahapon nang aksidenteng matagpuan ang vintage bomb sa Show Case Carpet, isang warehouse na kasalukuyang ginagawa at matatagpuan sa E. Rodriguez cor. Ortigas Ext., Brgy. Rosario, ng nasabing lungsod.

Ang vintage bomb ay natagpuan ni Leonardo Sabas, trabahador sa construction habang naghuhukay para sa ginagawang poste sa naturang warehouse.

Sa pag-aakalang isang uri lamang ng bakal ang natagpuan ay agad na dinala ni Sabas kasama ang ilang kasamahan, ang vintage bomb sa junk shop upang ibenta.

Gayunman, nabigo si Sabas na maibenta ang nasabing bomba.

Ibinalik naman ni Sabas ang bomba sa ginagawa nilang warehouse kung saan dahil sa pagkausyusero ay pinukpok pa ito at sinundut-sundot, dahilan upang umusok ang nasabing eksplosibo.

Bunga nito, nagtakbuhan ang grupo ni Sabas na napilitang tumawag sa himpilan ng pulisya at inireport ang insidente. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments