25-anyos binurdahan ng saksak ng lover

Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng isang estudyante ang umano’y kanyang kasintahan makaraang magpasya ang huli na makipaghiwalay na at bawiin ang kanyang cellphone sa huli, kahapon ng madaling araw sa Quezon City.

Patay na nang idating sa Gen. Malvar Hospital si Jean Leslie Espino,25, ng GSIS Village, Project 8, Quezon City matapos tadtarin ng saksak sa katawan ng kanyang kasintahan na si Alexander Estrella, 25, estudyante, ng CBE Town, Brgy. Pasong Tamo ng nabanggit na lungsod.

Si Estrella ay kasalukuyang pinaghahanap ng pulisya na tumakas matapos ang pamamaslang.

Batay sa pagsisiyasat ni SPO4 Marcelino Castillo ng CPD-CIU naganap ang insidente dakong ala-1:40 ng madaling-araw sa mismong bahay ng suspect.

Nabatid na nagtungo doon ang biktima upang bawiin ang cellphone na 8210 at ang halagang P6,000 na ibinigay nito sa suspect, gayundin upang tuluyan nang makipagkalas dito.

Hindi umano nagustuhan ng suspect ang pakikipagbreak ng biktima kung kaya’t pinagsasaksak ito sa iba’t ibang bahagi ng katawan. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments