Ex-convict patay, 1 pa kritikal sa ex-Army

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng isang dating miyembro ng Philippine Army ang kanyang kapitbahay na ikinasugat din ng malubha ng isang lalaki kahapon ng umaga sa Caloocan City.

Dead on the spot ang biktima na nakilalang si Luisito Cruz, umano’y ex- convict at naninirahan sa Int. L. Lupa St. Maypajo ng nasabing lungsod matapos na magtamo ng tama ng baril sa ulo at sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nasa kritikal na kalagayan naman ngayon sa Jose Reyes Memorial Medical Center si Florante Madrid, 47, ng nabanggit ding lugar.

Nakapiit naman sa Caloocan City Police Station ang suspect na si Rodolfo "Boy" Garcia, 52, ex Army na kapitbahay ng mga biktima.

Batay sa pagsisiyasat ng pulisya, dakong alas 7 ng umaga nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Int.L. Lupa sa Caloocan City.

Nabatid na nagkaroon ng away kamakalawa ng gabi ang pamangkin ng suspect sa mga anak ng dalawang biktima na naging dahilan upang madala sa barangay hall.

Ayon sa pahayag ng mga kapitbahay, nasa loob ng barangay hall nang bugbugin ng dalawang biktima ang pamangkin ng suspect.

Nakarating kay Garcia ang ginawa ng dalawang biktima kung kaya’t magdamag nitong hinanting sina Cruz at Madrid.

Kahapon ng umaga nang makita ni Garcia ang dalawang biktima ay walang sabi-sabing pinaputukanang mga ito. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments