Reward ni Cardeño itinaas sa P1-M

Itinaas na sa P1 milyon ang reward para sa ikadarakip ni Senior Supt. Rafael Cardeño na itinuturong utak sa pagpaslang kay dating Young Officers Union (YOU) spokesman Captain Baron Cervantes.

Ang pagtataas ng reward laban kay Cardeño ay isinagawa matapos nitong isnabin ang ibinigay na deadline ng hepe ng Task Force Cervantes na si Chief Supt. Romeo Maganto na kusang loob na pagsuko hanggang noong hatinggabi ng Huwebes.

Magugunitang unang nakipagpulong si Maganto sa abogado ni Cardeno na si Atty. Homobono Adaza na humiling na bigyan siya ng limang araw na deadline upang pakiusapan ang kanyang kliyente na sumuko na lamang.

Napag-alaman na hindi nakumbinsi ni Adaza na sumuko ang kanyang kliyente dahil natatakot umano itong sapitin ang nangyari kina Supt. John Campos at Ret. Senior Supt. Teofilo Viña.

Samantala, iginiit naman ni Directorate for Police Community Relations Group, Director Ricardo de Leon na dapat na makipag-koordinasyon si Maganto sa anumang hakbangin nito sa paghahanap kay Cardeño. Nabatid na hindi ipinaalam ni Maganto na nagbigay siya ng deadline sa pagsuko nito. (Ulat nina Danilo Garcia at Lordeth Bonilla)

Show comments