Sa isang pahinang desisyon ni QCRTC Judge Ma. Theresa Yadao, ang pag-isyu ng warrant of arrest laban kina Supt. Edgar Iglesia; Chief Inspector James Mejia; Senior Inspector Edwin Portento at Inspectors Preston Bagangan, Ceasar Percival at Christine Tabdi ng PNP-IG ay bunsod na rin ng pagkakaroon ng probable cause sa kasong murder at frustrated murder na isinampa laban sa mga ito.
Ayon kay Yadao ng Branch 81, naantala ang pagpapalabas ng warrant of arrest laban sa anim dahil na rin sa "urgent motion for the judicial determination" at "deferment of action on the issuance of warrants of arrest" na inihain ng magkabilang panig.
Batay sa rekord ng korte, ang kaso ay nag-ugat sa pagkapaslang kay Fernando Fernando Lozada, chief steward ng New World Hotel at Marianne Uson, 18, kaugnay sa anti-kidnapping operation na isinagawa ng mga operatiba noong Mayo 17, 2001 sa G. Araneta Avenue sa Quezon City.
Sugatan naman sa naturang insidente si Clarissa, 17, anak ni Lozada.
Matatandaan na ang mga biktima ay napatay matapos na mapagkamalang kidnappers ni Mark Harris Bacalla, anak ng yumaong QCRTC Judge Marciano Bacalla na dinukot noong Mayo 2, 2001.
Inirekomenda naman ng korte ang piyansa na P120,000 bawat isa para sa kasong frustrated murder. (Ulat nina Doris Franche at Angie dela Cruz)