2 death convict pinalaya ng Korte Suprema

Maganda ang naging pagsalubong ng unang buwan ng taong 2003 para sa dalawang death convict makaraang ipag-utos ng Korte Suprema ang paglaya nila kahapon mula sa New Bilibid Prison (NBP) sa kasong panggagahasa.

Sa natanggap na kautusan ni Bureau of Correction director Ricardo Macala mula sa Supreme Court, kinilala ang mga pinalaya na sina Pedro Flores Jr., 42, tubong Urdaneta, Pangasinan at Henori Lalandas, 41, ng Pikit, Cotabato.

Si Flores ay inakusahan na nanggahasa sa kanyang 12-anyos na anak na babae na itinago sa pangalang Liza noong Disyembre 1996 at ito ay hinatulang mabitay noong Abril 19, 1997 ng Urdaneta Pangasinan Regional Trial Court, Branch 46.

Samantalang si Lalandas naman ay inakusahan din na nanggahasa sa kapatid na dalaga ng kanyang asawa na itinago sa pangalang Rosa, 24 noong Pebrero 4, 1995 at hinatulan ng kamatayan ng Cotabato RTC noong Agosto 12, 1999.

Sa isinagawang pag-aaral ng Korte Suprema hinggil sa kaso ng dalawa, nabatid na walang sapat na ebidensiya laban sa dalawang death convict kung kaya’t napawalang sala ang mga ito.

Masayang lumabas ng Bilibid kahapon ang dalawa. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments