Ayon sa report na natanggap ng Pasay City Police, labis na nangangamba ang mga kapamilya ng naging biktima na si P03 Joey Salazar na magkaroon ng white wash dahil hindi malayong maimpluwensiyahan ng mga kakilalang piskal ng suspek ang kaso.
Hiniling sa Pasay City Police ng kapamilya ng biktima na sina Anthony Petilla, 25; Catalino Bautista at Joselito Manlangit na idirekta na lamang sa DOJ ang kaso upang makatiyak naman umano sila na uusad ang kaso laban kay Salazar at sa pamangkin nitong si Borbie.
Nabatid na ipinagmamalaki pa umano ng naturang suspek na ang kanyang asawa ay pamangkin ni Sen. Robert Barbers kayat higit ang pangamba ng pamilya ng biktima na maimpluwensiyahan ang kaso at ito ay mauwi sa wala.
Matatandaan na noong Lunes, ika-30 ng Disyembre ng nakaraang taon, dakong alas-12:15 ng madaling-araw sa Protacio St., nang pagbabarilin hanggang sa mapatay ni Salazar at ng kanyang pamangking si Borbie ang mga biktima na malubha ring ikinasugat ng dalawa pa na nakilalang sina P02 Bernard Cubero ng Western Police District, Traffic Enforcement Unit at ina ni Anthony na si Antonieta Petilla.
Nabatid pa na noong Biyernes din ay naging tulay ang pahayagang Philippine Star para sa pagsuko ni P03 Salazar na ngayon ay nasa custody na ng National Capital Regional Police Office (NCRPO). (Ulat ni Lordeth Bonilla)